Sa pamamagitan ng programang AB Filipino (Panitikan) at MA Filipino (Panitikan), ang Kagawaran ng Filipino ang nagsasakatuparan ng layuning iugat ang edukasyon ng Atenista sa kulturang bayan samantalang pinauunlad din ito ng mga kaalaman sa panitikan ng mga bayang Silanganin at Kanluranin. Gamit ang pag-aaral ng panitikang Filipino bilang panimulang hakbang, hinuhubog ng Kagawaran ang mag-aaral na makapagpatuloy sa pagpapakadalubhasa sa panitikang Filipino, rehiyunal at etniko, upang siya ay maging mabisag propesyunal sa mga larangan ng edukasyon, pananaliksik at kritisismong pampanitikan at pangwika, malikhaing pagsulat, pagsasalin, at komunikasyon. Mahigit nang dalawampu’t apat na taong naitatag, malaki na rin ang naiambag ng Kagawaran sa bayan sa larangan ng malikhaing pagsulat, pananaliksik na pampanitikan, at sa pagtuturo ng panitikang Filipino. Sa kasalukuyan, inihahanda pa ng Kagawaran ang programang doktorado na balak simula sa Hunyo 2001. Ang Pahayag-Misyon ng Kagawaran ng Filipino Taglay ang atas ng Pamantasang Ateneo de Manila na magsilbing tagaingat at tagasulong ng kabang-yaman ng Kulturang Pilipino nang isinasaalang-alang ang pana-panahong pagbabago ng kasaysayan at lipunang sarili at pati ng sa mundo, itinatakda ng Kagawaran ng Filipino ang propesyunal at multidisiplinaryong pagtugon sa pangangailangang lagi at laging iuwi at iugat sa sariling kultura ang pamantsan at lahat ng pinaglilingkuran nito hindi sa pamamagitan ng pagtatakwil sa mga kaalamang hiram kundi sa integrasyon nito sa mga kaalamang sarili. Isasagawa ito sa pakikisangkot sa malikhaing praktis, pagtuturo, at pagsasaliksik na walang-humpay na pinatitining at pinalalaya ng espiritwalidad ni San Ignacio.
|