Benilda S. Santos

Madalas itanong ng kaibigan at kakilala
kung bakit ang tulang Atenista
tubog sa pilosopiya
maningning sa introspeksiyon
at pag-iisa.

Dahil may tanong
na wari hunyangong
papalit-palit ang kulay at anyo
mainam pa ang magsawalang-kibo
nang saglit
at pagkaraan
ikuwento nang ikuwento
kung paanong
ang yellow sweet corn na tubong-Ateneo
ay sintamis ng tsokolateng Lindt
at sinlutong ng pritong daing na danggit.

Kung paanong kapag tag-araw
talo ng liyab ng bulaklak
ng mga kabalyero sa kampus
ang init na pula sa kuwadro ni Ocampo.
Kung paanong kapag pa-Disyembre
sinlamig ng kimpal-kimpal na niyebe
ang bahaw na harana
ng tukong nakatira sa akasyang
kapitbahay ng kapilya.

 

 

Joseph T. Salazar
bahagi ng koleksyong nagwagi ng Ikalawang Gantimpala sa Tula
1999 Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature

 

Paano ihihiwalay ang sarili mula
sa sarili? Ang sarili mula sa katawan,
ang katawan mula sa sarili—gayong
ang katawan ang sarili at ang sarili
ang katawan? Ilang milyong taon
nang uso ang kamatayan ngunit
wala pa akong maikakabit na pangalan
sa sentimyentong sumasapi sa akin
kung magmaliw ang buhay
sa anumang bagay na may laman
at mababalatan. Kaya pilit kong
hinahanap ang namatay sa mga larawan,
sa iniwang mga gamit at liham.
Ninanamnam ko siyang
tulad ng mangga: isinasawsaw
kung saan-saan sa kabataan, babalatan
at papangusin sa kanyang kaganapan,
at kung mabulok siya o kung pitasin
nang wala sa panahon ay akin namang
panghihinayangan. Hinihimay ko
ang kanyang pagmamahal sa testamento’t
pamana, at nililikha mula sa pira-pirasong
alaala ng iba ang isang kasaysayang
madadaig ang anumang pelikula.
At sa pagtanaw sa sariling namamatay,
papagitna ako sa panoorin na titinag
sa hindi pa nalalamang hinaharap
para lamang matuklasan na siksik din pala
itong kamatayan, puno ng mga lihim
gaya ng panaginip na ipinagkakait
ng pagtulog nang mahimbing.
Kahit nagbabanat ako ng buto,
masiglang pumaparo’t parito
at gumagalaw nang gumagalaw,
nakaratay pa rin ako. Maselan
ang agos kung saan ako namamaybay—
pangarap ang sinasagwan sa isang kamay,
takot naman sa kabila. Isang walang
lamang silid ang mundo, isang kama
ang katawan, at walang hanggang
nag-aagaw-buhay ang kamalayan
sa pagtarok kung kailan gaganda
ang aking buhay at kung kailan ako
kailangang lumisan.

 

 

Noel Romero del Prado

 

Dalawang batang magkaakbay
sa silong ng malaking salakot
walang takot sa ambon-ulan
o sa mangkuk-mangkok na butas sa daan.

Maaari ngang sa buwan napagmasdan
itong pangitaing hindi taga-mundo
kambal-sa-tainga, apat ang mata
dalawa ang ulo, apat ang paa—

Ngunit, mahirap mapagkamalan
ang pilyong hagikgikan ng mga bata
at ang marahang suray-kembot nilang
hiniram sa pusang nagdadalang-kuting.

Sa katuwaan ko’y hindi na napansin
ang iniingatang sapin nitong katawang sakitin
hinayaan na lamang ang mga patak
unti-unting sumisinsin, bumibigat.

Basa nga pala akong
ipinanganak sa mundo,
at sa hapong ito

Iniluwal muli ako!

Ngayo’y itim na itim ang mga puno
tila basang uling ang mga katawan
at lunti-lunti ang mga dahon
bagong usbong nang sila’y maratnan.

Sa pag-uwi’y hindi agad matutuyo
ang tumutulong katawan—
Ngayon lamang ako nabasa ng ulan.